212 na bagong cell site naipatayo ng Globe

Aabot sa 212 na bagong cell site ang naipatayo ng kompanyang Globe sa Metro Manila sa unang anim na buwan ng 2021.

Ayon kay Joel Agustin, Globe Senior Vice President for Program Delivery, Network Technical Group, ito ay sa kabila  ng mga hamon na dala ng quarantine restrictions at mga protokol na pangkalusugan dahil sa COVID-19.

Napapanatili ng kumpanya ang momentum sa pagbuo ng kinakailangang imprastraktura ng ICT para mapabuti ang mga serbisyo sa mobile at internet. Patuloy nitong naaabot ang tina-target na dami ng cell site para sa kasalukuyang taon.

“Kami ay lubos na umaasa na ang mga bagong cell site ay makakatulong na makapagbigay ng mas magandang karanasan sa mobile para sa aming mga customer dahil ang connectivity ay isang mahalagang bahagi na ng kanilang pang-araw-araw na buhay. Alam namin ang kanilang mga alalahanin kaya ginagawa namin ang aming makakaya para agad matugunan ito. Ang mga cell site na ito ay tiyak na makapagbibigay ng magandang serbisyo hindi lamang sa Metro Manila kundi pati na rin sa mga kalapit na lalawigan,” ayon kay Agustin.

Ang pagsisikap ng Globe na mag-rollout ng network mula noong Enero ay nag-resulta rin sa mas maraming naitayong mga cell tower sa Cavite, Rizal, Batangas, Laguna, Cebu, Bulacan at Pampanga.

Mayroong hindi bababa sa 39 na mga bagong tower ang itinayo sa mga pangunahing lokasyon sa Cavite,  26 sa Rizal, at 25 sa Batangas at Laguna. Hindi bababa sa 17 na mga bagong cell site ang inilagay sa Cebu, Bulacan at Pampanga sa unang kalahati ng taon.

Idinagdag pa ni Agustin na nagpapatuloy din ang mga kahalintulad na aktibidad sa mas maraming lalawigan sa Luzon, Visayas, at Mindanao.

Ang walang tigil na paggawa ng Globe para mapabuti ang estado ng pagkakakonekta ng bansa ay nag-resulta sa pagiging pinaka-consistent na mobile network nito sa dalawang magkasunod na quarter ng 2021, na pinatunayan naman ng Ookla.

 

 

Read more...