Bagamat hindi partikular na pinangalanan, nagpasaring si Vice President Leni Robredo sa mga malalaking pulitiko na tutukan muna ang kaso ng COVID-19 cases sa halip na pagtuunan agad ang May 2022 election.
Nagpahayag ng pagkadismaya si Robredo sa tinukoy nitong maling prayoridad ng kilalang government officials na ngayon pa lamang ay nag-iingay na para sa kanilang sariling karera at para sa kanilang partido.
“Nakikita mo ‘yun ngayon, ‘yung mga malalaking pulitiko, may election o walang election, election ang nasa isip. Nalulungkot lang ako,” pahayag ni Robredo.
Ayon kay Robredo, habang patuloy ang paglobo ng kaso ng COVID-19 sa bansa ay dapat mas dito tumutok ang mga pulitiko at hindi sa national election.
“I hope that politicians would focus on what matters most—to lessen the blow of the virus and help Filipinos survive the pandemic,” dagdag pa ni Robredo.
Patuloy ang iringan sa loob ng partido ni Pangulong Rodrigo Duterte kung saan sinibak ng PDP Laban ang sarili nitong Vice President na si Energy Secretary Alfonso Cusi, secretary-general Melvin Matibag at Membership Committee Head Astra Naik dahil sa lantarang pagsuporta sa presidential candidacy ni Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio na isang party outsider.
Iginiit ni PDP-Laban President Manny Pacquiao na guilty sa disloyalty ang tatlo dahil sa pagsuporta kay Mayor Duterte sa 2022 election, bukod sa pagsibak sa tatlo ay bubuo rin ng investigation committee ang partido para tukuyin ang iba ang party members na lumalabag sa kanilang Constitution and by-laws sa pamamagitan ng hayagang pagbibigay suporta sa ibang partido.
Si Mayor Sara ay mula sa partidong Hugpong ng Pagbabago.
Ang Davao na pinamumunuan ni Mayor Sara at apat pang siyudad sa Mindanao ang may pinakamataas na COVID cases sa labas ng National Capital Region.
Sa pinakahuling OCTA Research List base sa datos na nakuha nito sa Department of Health (DOH) ay nasa 90 porsyento o very high ang hospital intensive care unit utilization rate (ICUUR) sa Davao at nasa 303 cases ang naitatala araw araw.
Ang Davao City ay nananatiling nasa klasipikasyon ng high-risk area para sa COVID-19 mula pa noon buwan ng Mayo.
Bukod sa Davao kabilang pa sa high risk areas Bacolod, Iloilo, General Santos, Cebu, Baguio, Cagayan de Oro, Tagum, Calamba at Butuan.