Pinalagan ng Malakanyang ang tila paghahamon kay Pangulong Duterte ni Vice President Leni Robredo na magpakita ng tapang sa pahayag ng China na basurang papel lang ang panalo ng Pilipinas sa Permanent Court of Arbitration sa Netherlands noong 2016.
Binuweltahan ng tanong ni Presidential spokesman Harry Roque si Robredo kung anong tapang ang nais nitong ipakita ni Pangulong Duterte.
Paalala niya kay Robredo, sinabi n ani Pangulong Duterte sa United Nations na bahagi na ng international law ang desisyon ng PCA na pumabor sa Pilipinas sa isyu ng agawan sa West Philippine Sea.
Kasabay nito, nanindigan si Roque na hindi maituturing na basurang papel lang ang desisyon ng PCA bilang tugon sa naging pahayag ni Chinese Foreign Ministry spokesman Zhao Lijian.
Aniya sinabi na ni Pangulong Duterte sa UN na walang indibiduwal o estado ang maaring bumalewala sa panalo ng Pilipinas laban sa China.
Iginiit ni Roque na hindi polisiya ni Pangulong Duterte na isuko ang teritoryo ng Pilipinas.