Inihayag ni Transportation Secretary Arthur Tugade na magbubukas ng 10,000 direct jobs ang Philippine National Railways (PNR) Calamba Project oras na magsimula ang konstruksyon sa taong 2022.
Sa inspeksyon sa PNR Banlic Depot sa Calamba, Laguna, sinabi ng kalihim na magbibigay ng employment opportunities ang proyekto hindi lamang sa mga residente ng Calamba kundi maging sa mga kalapit na lugar.
“Importanteng malaman natin ‘yung [dami ng] mga nagta-trabaho during the construction phase at mahalaga rin na malaman natin ‘yung mga magtatrabaho ‘pag natapos na ang proyekto. Mahigit sampung libong (10,000) trabaho po ang maibibigay nito sa ating mga kababayan oras na ito ay simulang itayo. Direct jobs pa lang ‘ho ‘yan,” saad ni Tugade.
Magbebenepisyo ang naturang proyekto sa mga empleyado at estudyante, at inaasahang mapapaigsi ang oras ng biyahe papunta at pauwi ng paaralan o opisina.
“Ano ‘yung benepisyo? Magkakaroon ka ng faster mobility. Sino ang makikinabang diyan? ‘Yung mga nagta-trabaho, ‘yung mga mag-aaral – ‘yung pagpunta nila sa kanilang mga paaralan. Makikinabang din ang mga trabahadores kung papunta sila sa kanilang mga trabaho,” sabi ng kalihim.
Maliban dito, makatutulong din ang pagtatapos ng PNR Calamba upang mapalakas ang local at regional economic development.
“Kung magagawa natin ito, talagang aangat at aangat ang ekonomiya ng Calamba. Remember, this is a historical site. Imagine the benefits it would generate for tourism,” paliwanag nito.
Kabilang ang PNR Calamba sa flagship projects ng Build, Build, Build (BBB) Infrastructure Program ng Duterte administration.
Ito ay third leg ng North-South Commuter Railway (NSCR) Project na magkokonekta sa Metro Manila (Solis St., Tondo) at Calamba, Laguna kung saan ang apat na oras na biyahe ay magiging isang oras na lang.
Inaasahang makakapagserbsiyo ang 56-kilometer railway project ng 340,000 pasahero kada araw sa kasagsagan ng partial operations, habang tataas naman sa 550,000 pasahero ang ridership oras na maging fully operational na sa taong 2028.
Ani Tugade, ang pagbubukas ng bids para sa civil works ng depot ay magsisimula sa Miyerkules, July 14, 2021.