Hinikayat ni Senator Sonny Angara ang Professional Regulation Commission (PRC) na maglagay ng mga satellite venues para sa pagsasagawa ng licensure examinations na nakatakda ngayon taon.
Paliwanag ni Angara sa ganitong paraan ay matutulungan ang mga nais maging doktor, nurses, pulis, guro at iba pang gustong makilala bilang licensed professionals.
Puna ng senador, nagsisilbing malaking hamon sa nais kumuha ng licensure exams ang pagbiyahe sa ibang lugar para kumuha ng pagsusulit dahil sa mga travel protocols ng mga lokal na pamahalaan.
Dagdag pa aniya na maraming pamilya ang nawalan ng kabuhayan dahil sa mga negosyong nagsara o nagbawas ng operasyon.
Isinasagawa ang licensure exams sa mga regional offices ng PRC kaya’t dagdag gastos din ang kanilang pasahe, pagkain, pansamantalang matutuluyan, bukod pa ang COVID-19 testing.
“All of these add up and may prove to be prohibitive to many families. Ayaw naman natin na may mga graduate tayo na hindi matuloy sa kanilang PRC exam dahil sa laki ng kailangan gastusin sa panahon na ito,” diin ni Angara.
Sinabi pa ng senador na maaring ikunsidera ng PRC ang paglalagay ng satellite exam venues kung saan may higit 100 ang kukuha ng pagsusulit at makakatulong dito ang mga lokal na pamahalaan.
“During this time, we need more doctors, nurses, policemen and with the possible reopening of face-to-face classes soon, teachers, so we should find ways to increase their numbers,” dagdag pa ng namumuno sa Senate Committee on Finance.