Walang dapat ikabahala ang publiko sa posibilidad na mapasok ng mga hackers ang database ng Bureau of Internal Revenue at makuha ang mga mahahalagang impormasyon ng mga taxpayers.
Ito ang pagtitiyak ni BIR Commissioner Kim Henares matapos mapasok ng mga cyber criminals ang database ng Comelec kamakailan at ipaskil sa internet ang mga biometrics information ng may 55 milyong botante.
Ayon kay Henares, matibay ang mga security measures na nakalatag sa ahensya upangmatiyak na hindi mapapasok ng mga cyberattackers ang kanilang database.
Ito aniya ang dahilan kaya’t noong nakaraang taon, mismong ang mga taxpayers ang nahirapang makapasok sa kanilang website para sa e-filing ng income tax returns.
Dahil sa kinailngan aniyang patibayin ang kanilang security ‘firewall’ nagkaroon ng mas matinding security check bago makapasok sa sistema ng kawanihan.
Bagamat aminado si Henares na walang hack-proof na sistema, tiniyak naman nitong ina-update palagi ng kanilang IT experts ang kanilang security system upang hindi sila malusutan ng mga cybercriminals.