Umapila si Senator Christopher Go sa publiko na panatilihin ang ibayong pag-iingat bunsod nang pagsulpot ng ibat-ibang variants ng COVID 19 partikular na ang Lambda variant.
Ginawa ni Go ang apila sa pagbubukas ng 127th Malasakit Center sa Southern Tagalog Regional Hospital sa Bacoor City sa Cavite.
Aniya kailangan lang na patuloy na sumunod sa mga pakiusap at paalala ng mga awtoridad at magtiwala sa ginagawang mga hakbang ng gobyerno.
“At sa mga Pilipino naman po, nakikiusap kami sa inyo, habaan n’yo po ang inyong pasensya, sumunod muna tayo sa mga quarantine protocols, at sana po’y walang magpaespesyal,” diin ni Go.
Dagdag pa niya; “isipin n’yo po, bawat isang positibo pagkumalat po ‘yang Lambda o Delta variant na ‘yan, marami pong madadamay. ‘Yun po ang ayaw nating mangyari na kumalat po itong sakit na ito at bumagsak na naman po ang ating healthcare.”
Ayon pa sa senador ang lahat ng mga ginagawa ng gobyerno sa pakikipagpaharap sa nakakamatay na sakit ay base sa siyensa at pinag-aralan ng husto ng mga eksperto.