Pagdedeklara sa Hulyo 12 bilang West Philippine Sea Victory Day, itinutulak sa Senado

Nanawagan si Senator Leila de Lima sa kanyang mga kapwa senador na ipasa ang inihain niyang panukala na magdedeklara sa Hulyo 11 ng taon bilang ‘West Philippine Sea Victory Day.’

Sinabi ni de Lima na Hulyo 19 pa noong 2019 nang ihain niya ang Senate Bill No. 376 at layon nito na taunang maipagdiwang sa bansa ang pagkakapanalo ng Pilipinas kontra sa China sa Permanent Court of Arbitration (PCA) sa The Hague, Netherlands noong 2016.

“I hope that my esteemed colleagues in the Senate will act with dispatch on my proposed bill and help pass it into law soon not only to observe the country’s arbitration victory against China over the WPS, but also to remind the government to uphold our sovereign rights amid China’s continued bullying of our country,” sabi nito.

Inireklamo noong 2013 ng administrasyong Noynoy Aquino sa PCA ang pananakop ng China sa teritoryo ng Pilipinas sa South China Sea at layon nitonv kilalanin ang karapatan ng bansa sa pinag-aagawang bahagi ng rehiyon.

Bilang kalihim ng Department of Justice noon, naging bahagi ng delegasyon ng bansa si de Lima na ipinaglaban ang karapatan ng Pilipinas.

Noong Abril, inihain naman ni de Lima ang Senate Resolution No. 708 na hinihiling sa Malakanyang na ipaglaban ang integridad ng Pilipinas laban sa China.

Kabilang din siya sa 11 senador na sumuporta sa Senate Resolution No. 708 na kumondena sa mga illegal na aktibidad ng China sa West Philippine Sea.

Read more...