Nasamsam ng mga awtoridad sa isang bangka ang 70 kahon ng smuggled na sigarilyo sa karagatang sakop ng Layag-Layag sa Zamboanga City.
Nakuha ang mga kontrabando bandang 3:21, Miyerkules ng madaling-araw, July 8.
Habang nagsasagawa ng maritime patrol, sumakay ang mga tauhan ng BRP Bagacay (MRRV-4410) sa bangka na “DYNASTY” kung saan lulan ang apat na crew members.
Nakilala ang apat na crew members na sina Karbi Askalani, 35-anyos; Benhar Saraba, 32-anyoso; Ridzkan Hussin, 28-anyos; at Radzman Baltapa, 26-anyos.
Natagpuan ang mga kontrabando sa ginawang routine inspection.
Dinala ang bangka sa Zamboanga City International Port (ZCIP) para sa mas malalim na imbesetigasyon.
Sa pagdating sa pantalan, agad idiniskarga ng mga awtoridad ang mga sigarilyo para sa inventory at documentation.
Nagsagawa rin ang PCG K9 Force ng paneling inspection upang malaman kung naglalaman ang mga kontrabando ng ilegal na droga o improvised explosive device (IED). Negatibo naman ang resulta nito.
Tiniyak ng PCG at BOC ang patuloy na kooperaasyon para sa mas mahigpit na border control laban sa customs fraud, smuggling, human trafficking, at iba pang ilegal na aktibidad.