Arestado kagabi ang dalawang katao sa Pasay City dahil sa pag-aalok sa murang presyo ng COVID 19 vaccines sa pamamagitan ng social media.
Ang nurse na si Dayrelle Esteban, 35, ang lumapit sa Pasay City Police nang malaman na ginagamit ang kanyang pangalan sa pagbebenta ng COVID 19 vaccines.
Kasunod nito, ikinasa ang isang entrapment operation sa Roxas Boulevard ala-6 kagabi at naaresto sina Michelle Parajes, 35 at Angelo Bonganay, 28.
Agad nang inaresto ang dalawa matapos tanggapin ang P50,000 downpayment para sa 56 vials ng vaccines na inialok sa halagang P120,000.
Diumano, inaalok ni Parajes sa social media ang Pfizer, Sinovac at AstraZeneca.
Paglabag sa Cybercrime Prevention Act (Identity Theft) at estafa / swindling ang dalawang naaresto.