Siniguro ni Philippine National Police (PNP) Chief, Police General Guillermo Eleazar na iniimbestigahan at walang cover-up sa mga napaulat na nasawi sa anti-illegal drug operations.
Ipinahayag ito ng hepe ng pambansang pulisya kasunod ng alegasyon ng Investigate PH kung saan nakasaad sa report nito na nagkakaroon umano ng cover-up sa mga nasawi sa anti-illegal drug operations at tinatakot ang pamilya ng mga biktima.
Sinabi ng grupo na isusumite nila ang naturang ulat sa 47th Session ng United Nations Human Rights Council.
“Hindi kailanman naging polisiya ng PNP ang panggigipit at pang-aabuso sa mga mahihirap nating kababayan at lalong lalo na ang pagtatakip ng mga kamalian sa aming hanay,” saad ni Eleazar.
Dagdag nito, “Batid namin ang mga alegasyong ito subalit ipinapaalam din namin sa ating mga kababayan na mahigit 18,000 na ang naparusahang pulis sa nakalipas na limang taon at kabilang dito ang pagtanggal sa serbisyo ng mahigit 5,000 sa aming hanay dahil sa iba’t ibang kaso ng pang-aabuso sa kapangyarihan.”
Binigyang-diin din ng PNP Chief na bukas at handa ang kanilang hanay na makipag-ugnayan sa mga imbestigasyon ukol sa umano’y iregularidad sa anti-illegal drug operations.
“Sa paulit-ulit na paglutang ng mga alegasyong ito, hindi rin maipagkakait sa amin na pagdudahan kung ilan sa mga ito ang totoo lalo pa’t sa ilang imbestigasyon na akin mismong ipinag-utos, kabilang na ang nangyari sa Laguna noong nakaraan lamang buwan, lumalabas na talagang nalagay sa panganib ang buhay ng ating mga kapulisan,” pahayag ni Eleazar.
Aniya pa, “Ipinapa-alala ko rin na may mga namatay at nasugatan sa aming panig sa aming maigting na kampanya laban sa iligal na droga.”
Nagsumite na ang PNP ng case folders sa Department of Justice para ma-review ang police anti-illegal drug operations kung saan may nasawi, suspek man o pulis.
“I understand your point of ensuring a professional PNP and of human rights-based approach in the conduct of our operations but what I can assure you is that these are all being observed and strictly monitored—the exact reason why there have been thousands of policemen who were punished and dismissed from the service,” pagdidiin pa ni Eleazar.