Alinsunod sa IATF Resolution No. 123-C, item no. 3(ii), sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III na ang OFWs na fully vaccinated sa labas ng bansa ay kailangang mayroong opisyal na dokumento ng kumpletong vaccination o International Certificate of Vaccination na na-validate sa pamamagaitan ng POLO.
Maliban sa vaccination card o anumang dokumento na magsisilbing katibayan sa pagbabakuna, kailangan ding ipakita ng returning OFWs ang kanilang pasaporte o travel document at beripikadong employment contract sa POLO offices kung nasaang bansa sila.
Maaaring mag-apply para sa validation online sa pamamagitan ng ONEHEALTHPASS PORTAL na maa-access sa https://www.onehealthpass.com.ph/e-HDC/.
Sa ilalim ng DOLE Department Order No. 226 series of 2021, maikokonsidera ang OFWs na fully vaccinated makalipas ang dalawang linggo matapos maturukan ng second dose ng COVID-19 vaccine, o dalawang linggo matapos makatanggap ng single-dose vaccine.
Ang natanggap na bakuna ay dapat kabilang sa Emergency Use Authorization (EUA) List of Compassionate Special Permit na nilabas ng Philippine Food and Drug Administration o Emergency Use Listing ng World Health Organization.