Naghain ng panukala si Senator Leila de Lima para magkaroon ng paid leaves ang lahat ng mga kawani sa pribadong sektor sa tuwing may state of calamity dahil sa nakakahawang sakit, tulad ng COVID-19.
Limang araw na paid epidemic leave benefit ang hinihingi ni de Lima base sa inihain niyang Senate Bill No. 2307.
Paliwanag niya ang paid leave ay maaring magamit maging ng mga contractual at casual employees kapag sila ay tinamaan ng anumang infectious disease.
“Workers already occupy a precarious and vulnerable position in Philippine society but their situation was further exacerbated by the spread of the COVID-19 pandemic,” sabi ng namumuno sa Senate Committee on Social Justice, Welfare and Rural Development.
Pagdidiin niya masyado ng napapabayaan ang mga manggagawa, na sa kabila ng panganib dulot ng pandemya ay patuloy na nagsusumikap para mabuhay ang kanilang pamilya.
Banggit pa niya ang tanging napapagpilian ng mga manggagawa ay kalusugan o kabuhayan.
“This proposed measure is a social justice tool that upholds workers’ most basic human rights. If we can offer protections to industries, nothing should stand in the way of shielding employees from oppressive situations that epidemics of this magnitude have confined them in,” dagdag pa ng senadora.