Binuksan na sa publiko ang Light Rail Transit Line 2 East Extension stations; Antipolo at Marikina, araw ng Lunes, July 5.
Makikita ang Marikina station sa harap ng Robinsons Metro East malapit sa Mayor Gil Fernando Avenue sa Marikina City habang ang Antipolo station naman ay nasa harap ng SM Masinag.
Kasabay nito, may alok na dalawang linggo free ride sa nasabing dalawang istasyon mula July 5 hanggang 18, 2021.
Narito ang mga panuntunan para sa libreng sakay:
– Sa mga pasaherong ang biyahe ay sa pagitan ng Antipolo, Marikina at Santolan, kumuha ng Free Ride coupon sa Passengers Assistance Office/Tellers booth/Staff gates
– Sa mga pasaherong patungo sa Katipunan hanggang Recto, gumamit ng stored value o single journey ticket mula Antipolo o Marikina. Ang tanging babayaran ay pamasahe mula Santolan station hanggang sa istasyon kung saan bababa.
– Sa shuttle train mula Antipolo hanggang Santolan station, pagdating sa Santolan station, bumaba para lumipat ng tren na biyaheng Santolan hanggang Recto.
– Magkakaroon ng multang P30 sa mga pasaherong walang ticket na bababa sa mga istasyong hindj sakop ng libreng sakay o lagpas ng Antipolo, Marikina, Santolan at balikan.
Samantala, nakatanggap ang unang apat na pasahero nito ng commemorative stored value ticket na P300 load.
Sinalubong ang apat na pasahero ni LRTA spokesperson Atty. Hernando Cabrera.