Valenzuela City businessman na nagpa-suweldo ng barya nahaharap sa kulong

VALENZUELA CITY FACEBOOK PHOTO

Inanunsiyo ni Labor Secretary Silvestre Bello III na maaring makulong ang may-ari ng Nexgreen Enterprises na si Jasper So dahil sa mga nadiskubreng paglabag sa labor practices.

Ibinahagi ni Bello na ilan lang sa mga nadiskubre nila ay ang hindi pag-remit ng kompaniya sa SSS, Philhealth at Pagibig contributions ng kanilang mga manggagawa.

“Yung non-remittance ng SSS premium, criminal case yan, puwedeng makulong ang may-ari na yan at saka madaling ma-convict ‘yan,” sabi pa ng kalihim.

Aniya kakausapin nila ang mga trabahador para makakuha ng mga testimoniya na pagbabasehan ng mga isasampang reklamo.

Magugunita na naging viral sa social media ang pagpapasuweldo sa isa sa mga trabahador nito na si Russel Mañosa ng lima at 10 sentimos na umaabot sa P1,056.

Ikinagalit ni Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian ang pangyayari kayat ipinasuspindi niya ang operasyon ng kompaniya bago nadiskubre na may utang pa ito kay Mañosa ng P55,000 sa kanyang mga suweldo.

Sinabi ni Mañosa na paghihiganti ito sa kanya ng may-ari dahil sa idinaing niya ang mga paglabag sa mga batas-paggawa ng kompaniya.

Read more...