Iba’t ibang makakaliwang grupo, nagprotesta sa Mendiola; Patayan sa rehimeng Duterte, pinatutuldukan

Kuha ni Chona Yu/Radyo Inquirer On-Line

Tama na ang anim na taong patayan sa rehimen ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ito ang sigaw ng mga makakaliwang grupo na biktima ng madugong anti-drug war campaign ng administrasyon.

Si ginang Emily Soriano, naiiyak na ikinuwento kung paano napatay ang menor de edad na anak sa Bagong Silang, Caloocan noong December 2016 na nadamay lamang sa giyera kontra ilegal na droga ng pangulo.

Isa si Soriano sa mga naghain ng reklamong crimes against humanity kay Pangulong Duterte sa Imternational Criminal Court.

Ayon kay Soriano, ngayong gumagalaw na ang kaso sa ICC, umaasa siya na mabibigyang katarungan ang pagkamatay ng kanyang anak na si Angelito.

Sa panig ni Normita Lopez, hindi kapani-kapaniwala na nanlaban ang kanyang anak na si Djastin sa Tondo, Manila noong May 18, 2017.

May sakit kasi aniya na epilepsy ang kanyang anak.

Kumpiyansa si Lopez na malakas ang kanyang kaso laban sa ICC.

Nagkaroon na ng bahagyang girian ang mga raliyista at mga pulis nang tangkaing i-disperse ang kanilang hanay.

Sa panig ni Renato Reyes, secretary general ng Alyansang Makabong Bayan, isang taon na lamang ang panunungkulan ni Pangulong Duterte sa Malakanyang.

Nagsasagawa aniya sila ng countdown, 356 na araw na lamang ang pananatili ni Pangulong Duterte sa Malakanyang.

Ayon sa Manila Police District, tinatayang nasa 250 na mga raliyista ang nagtipon-tipon sa Mendiola.

Pero sa panig ni Reyes, sinabi nitong mahigit sa 500 ang kanilang hanay.

Matapos ang programa, kusang nag-disperse ang mga raliyista.

Kuha ni Chona Yu/Radyo Inquirer On-Line
Kuha ni Chona Yu/Radyo Inquirer On-Line

Read more...