Smog mula sa Bulkang Taal kumalat sa Metro Manila, umabot hanggang sa Zambales – Phivolcs

Kumalat hanggang sa bahagi ng Central Luzon ang ‘smog’ na mula sa ibinubugang sulfur dioxide ng Bulkang Taal, ayon sa Phivolcs.

Sa inilabas na pahayag ng Phivolcs, sa pamamagitan ng Ozone Mapping Instrument ng NASA kaugnay sa Aura platform at Ozone Mapping and Profiler Suite, naobserbahan noong nakaraang araw ng Lunes hanggang kahapon, ang smog na nagmumula sa Taal Volcano.

Base sa impormasyon, ang smog ay umangat sa taas na 20 kilometro at kumalat sa Batangas, Laguna, Cavite, Rizal, Metro Manila at umabot hanggang sa Bataan at Zambales.

Nabatid na noon pang umaga ng Lunes ay marami na ang nagtatanong sa Phivolcs ukol sa naobserbahan nilang kakaiba sa kalangitan at dahil sa kakaulangan pa ng sapat na impormasyon wala pang kumpirmasyon ang Phivolcs.

Samantala, sa inilabas na 5am update ng Phivolcs hinggil sa aktibidad ng Bulkang Taal sa nakalipas na 24 oras, nakapagtala ang ahensiya ng anim na mahihinang background tremor at kahapon ay nagbuga ito ng 8,982 tonelada ng sulfur dioxide flux.

Ito ay mababa kumpara sa naitala noong Lunes na 14,326 tonelada, ang pinakamataas na naitala ng ahensiya.

Nananatili naman naman sa Alert Level 2 ang status ng Taal Volcano.

Read more...