Limang bansa na hindi pa nakakatikim ng COVID 19 vaccines tutulungan ng WHO

Inanunsiyo ng World Health Organization (WHO) ang gagawing pagtulong sa limang bansa, na hanggang ngayon ay wala pang naikakasang vaccination rollout sa kanilang mamamayan.

Sinabi ni WHO Dir. Gen. Tedros Adhanom Ghebreyesus na nais nila na makapagsimula na ang lahat ng bansa ng kanilang pagpababakuna  simula sa kanilang health workers at ‘vulnerable sectors.’

Sa 194 bansa na miyembro ng WHO tanging ang North Korea, Burundi, Eritrea, Haiti at Tanzania na lang ang hindi pa nakapagkasa ng kanilang vaccination program.

Unang binalak ng WHO na sa loob ng unang 100 araw ng 2021 ay may pagbabakuna na sa lahat ng kanilang miyembrong bansa.

Ngunit hindi ito nangyari hanggang sa deadline noong nakaraang Abril dahil nabili na ng mga mayayamang bansa ang mga unang batches ng COVID 19 vaccines.

“We are facing a two-track pandemic, fuelled by inequity,” sabi ni Tedros.

Ang COVAX facility ng WHO ay nakapamahagi na ng 89 million doses sa 133 bansa, ngunit sinabi ni Tedros, na nasaid ang kanilang suplay ngayon buwan ng Hunyo.

Read more...