Duterte, bumaba sa Pulso ng Pilipino survey dahil sa rape joke

rodrigo duterteBumaba ang bilang ng mga bumoto kay Davao City Mayor Rodrigo Duterte sa isang survey matapos ang kaniyang mga naging kontrobersyal na komento, biro at pahayag.

Sa isinagawang “Pulso ng Pilipino” survey ng Issues and Advocacy Center o the CENTER noong April 11 hanggang 16 sa 1,800 respondents mula sa buong bansa, dikit na dikit na ang bilang ng mga bumoto kina Duterte at Sen. Grace Poe.

Gayunman, sa kabila ng pagbaba ng kaniyang nakuhang porsyento sa survey, siya pa rin naman ang nangunguna sa listahan ng mga presidentiables.

Mula sa dating 30 percent, bumaba sa 26.75 percent ang nakuha ni Duterte, na statistically tied na kay Poe na nakakuha ng 26.25 percent mula sa dating 25 percent lamang.

Lumabas rin sa survey na tanging si Duterte lang ang nakatamasa ng negatibong pagbabago dahil siya lamang ang may bumabang puntos.

Umangat kasi sa ikatlong pwesto si Vice President Jejomar Binay na mula sa dating 20 percent ay nakakuha na ngayon ng 26.25 percent na boto mula sa mga botante.

Gayundin si Liberal Party standard bearer Mar Roxas na mula sa 19 percent ay 20.75 percent na ngayon, habang si Sen. Miriam Defensor-Santiago naman ay mayroon nang 3 percent mula sa dating 2 percent.

Kapansin-pansin na malaki ang naging epekto ng mga naging kontrobersyal na mga pahayag ni Duterte, tulad na lamang ng pag-samin niyang binosohan niya ang kanilang natutulog na kasambahay, at ang biro niya kaugnay sa Australian lay missionary na rape victim noong 1989.

Kabi-kabilang pag-batikos mula sa iba’t ibang bansa ang inabot ni Duterte dahil sa nasabing rape joke, at maging ang mga kinatawan ng Australia at Estados Unidos ay pinuna ito.

Taliwas ang naging negatibong epekto na ito sa standings ni Duterte sa naging epekto ng pagmumura niya dahil sa trapikong idinulot ng pagpunta ni Pope Francis sa bansa na halos hindi pinuna ng mga sumagot sa pre-poll survey.

Ang Pulso ng Pilipino survey ng The CENTER ay mayroong 98% confidence level at maximum margin of error na 2.5 percentage points.

Read more...