Ang nasabing pahayag ay kasunod ng pag-sita sa kaniya ng dalawang bansa kaugnay sa kaniyang kontrobersyal na biro tungkol sa Australian rape victim noong 1989 na si Jacqueline Hammil.
Ayon kay Duterte, wala naman siyang sinabing ganoon, at ipinaliwanag na nagkomento lamang siya sa pakikisawsaw ng mga kinatawan ng dalawang bansa sa mga isyu ng lokal na politika.
Ipinahayag ni Duterte ang kaniyang hamon sa US at Australia kung ipagpapatuloy aniya ng dalawang bansa ang pagbanat sa kaniya sa kontrobersyal niyang biro.
Maraming mamamayan at mga organisasyon sa iba’t ibang panig ng mundo ang nagalit, napikon at nabastusan sa biro ni Duterte tungkol sa kinahinatnan ni Hammil.
Sa katunayan, isang Australian TV anchor ang naglabas ng kaniyang hinanakit kay Duterte at nanawagan pa sa kaniyang mga manonood na huwag pumunta sa Pilipinas oras na ang alkalde ang sunod na maging presidente.
Sa kaniyang show sa Foxtel Network, nakapagbitiw ng hindi magandang salita si Paul Murray kay Duterte bilang pagka-pikon sa biro ng alkalde.
Ipinakita pa sa kaniyang programa noong April 19 ang video clip ng kontrobersyal na video ni Duterte sa Amorante Stadium.
Kasunod nito, galit na sinabi ni Murray sa mga manonood na oras na mahalal na pangulo si Duterte, punitin na lang nila ang mga tickets patungong Pilipinas at iwasan nang pumunta sa bansa.