Integridad ng halalan, hindi apektado ng ‘Comeleak’ – Palasyo

SONNY-HERMINIO-COLOMAKindondena ng Malacañang ang pagkaka-leak ng mga personal na impormasyon ng mga botante sa isang website na ginawa ng mga nang-hack sa website ng Commission on Elections (COMELEC).

Ayon kay Communications Sec. Herminio Coloma Jr., determinado ang pamahalaan na siguruhing hindi na mauulit ang ganitong insidente at na pananagutin nila ang mga nasa likod nito alinsunod sa batas.

Ngayong naalis na ang kontrobersyal na website, tiniyak rin ni Coloma sa publiko na hindi naapektuhan ng data leak ang integridad ng automated election system.

Nakikipatulungan na rin aniya ang COMELEC sa Department of Science and Technology – Information and Communications Technology Office (DOST-ICTO) para mas higpitan ang kanilang security protocols.

Ani pa Coloma, bagaman nagsasagawa pa sila ng beripikasyon, sa ngayon ay nakatitiyak sila na walang sablay sa integridad ng automated election system.

Noong Miyerkules, isang araw bago ilabas ng hackers ang website ng mga leaked data, naaresto na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isa sa mga hinihinalang miyembro ng Anonymous Philippines na nang-hack sa website ng COMELEC noong March.

Humingi na rin ng tawad ang COMELEC sa publiko lalo na sa mga botante dahil sa pagkakalantad ng kanilang mga sensitibong impormasyon.

Read more...