Hindi ako sinungaling, mahal na Pangulo – Pacquiao

Bumuwelta si Senator Manny Pacquiao sa mga banat sa kanya ni Pangulong Rodrigo Duterte at partikular nitong hindi nagustuhan ang pagtawag sa kanya sa sinungaling.

“Mawalang galang na po mahal na Pangulo, hindi po ako sinungaling. May mga naging pagkakamali ako sa buhay na aking itinuwid at itinama ngunit dalawang bagay ang kaya kong panghawakan, hindi ako tiwali at hindi ako sinungaling,” ang pahayag ng tinaguriang Pambansang Kamao.

Sinabi ni Pacquiao na tinanggap niya ang hamon ni Pangulong Duterte na kilalanin ang mga sangkot sa korapsyon na mga taga-gobyerno.

“Salamat po at binigyan niyo kami ng pagkakataon na tumulong sa inyo ay bigyan kayo ng impormasyon para sa kampanya kontra korapsyon,” sabi pa ng senador sa inilabas na pahayag ng kanyang kampo.

Binalikan ni Pacquiao ang sinabi aniya ni Pangulong Duterte noong nakaraang Oktubre 27 na lalo pang lumalakas ang korapsyon sa gobyerno.

Sabi ng senador na iisa ang pakiramdam nila ng Punong Ehekutibo sa korapsyon sa bansa.

Itinuro na niya ang DOH at nais niyang mabusisi ang mga ginastos sa pagharap ng gobyerno sa COVID-19 crisis.

“Handa ka ba Sec. Francisco Duque na ipakita ang kabuuan ng iyong ginagastos? Saan napunta ang pera na inutang natin para sa pandemya?” tanong ni Pacquiao.

Read more...