Kinilala ni Senator Sonny Angara ang mga malalaking sakripisyo na ginagawa ng health care frontliners ngayon patuloy na hinaharap ng bansa ang pandemya dulot ng COVID-19.
Sinabi ni Angara na hindi matatawaran na inilalagay ng health care frontliners ang kanilang sarili para gamutin ang mga COVID-19 patients.
Inaalala ng senador ang mga nagbuwis na ng buhay sa loob at labas ng bansa simula pa nang magsimulang manalasa ang 2019 coronavirus.
Binanggit niya sina Dr. CJ Castillo, Dr. Nicko Bautista, ang nurse na si Theresa Cruz, maging si Cesar Velasco, isang clinical support worker sa United Kingdom na nalagay din sa panganib ang buhay ng 52 araw.
“Like the families and friends of Castillo, Bautista and Cruz, as well as all of the health workers who continue their work in the front lines of the battle against COVID-19, the entire nation salutes these new heroes,” diin ni Angara.
Sinabi nito na ang napakahusay na pagseserbisyo ng lahat ng healthcare workers ay maituturing na Tatak Pinoy, natatanging katangian ng mga Filipino na kinikilala sa buong mundo.
“Habang hindi tumitigil ang laban kontra COVID-19, hindi din tumitigil ang bilang ng mga Pilipinong handang mag alay ng sarili para sa iba. Handang sumuong sa giyera kahit pa buhay nila ang nakataya. Walang hanggang pagpupugay para sa Filipino health workers. Mabuhay ang Tatak Pinoy!” ayon pa sa senador.