Ayon sa MMDA, 300 sa mga motorista ay huling-huli sa CCTV cameras na lumalabag sa mga batas trapiko sa kahabaan ng EDSA pati na sa ibang malalaking kalsada sa Kalakhang Maynila.
Noong April 16 lamang, isang araw ang nakalipas matapos muling ipatupad ng MMDA ang nasabing polisiya, nasa 314 agad ang motoristang nagpasaway.
Pumatak naman sa 447 ang pinakamaraming naitalang bilang ng mga motoristang matitigas ang ulo sa loob ng isang araw, at ito ay naitala noong Martes.
Ayon sa pinuno ng no-contact apprehension office ng MMDA na si Ronnie Rivera, karamihan sa mga lumalabag sa batas trapiko ay ang mga bus na nagsasakay at nagba-baba ng mga pasahero sa hindi tamang lugar.
Maraming motorista rin ang humaharang sa mga intersections at pedestrian lanes kahit na alam na bawal ito.
Padadalhan ng MMDA ng notice ang mga motoristang ito para malaman nila ang kanilang mga paglabag at kung magkano ang kanilang multang babayaran.
Mayroon namang 15 araw ang mga motorista para kontrahin ang paglabag at multa na ipinapataw sa kanila.