Hinikayat ng pamunuan ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) ang mga pasahero na magpabakuna kontra COVID-19.
Kasabay ito ng pagpapabakuna ng mga empleyado ng MRT-3 ng first dose ng bakuna laban sa nakakahawang sakit.
“Alam natin sa sektor ng transportasyon na napakahalaga ng pagpapabakuna, kaya hinihikayat din natin ang mga pasahero na maging bahagi ng solusyon upang mawakasan ang pandemya. Magpabakuna laban sa COVID-19–libre, mabisa, at safe po ito,” ani MRT-3 OIC-General Manager Asec. Eymard Eje.
Sa datos hanggang June 23, 100 empleyado ng MRT-3, kabilang ang station personnel tulad ng train drivers at depot personnel, ang nabakunahan sa East Avenue Medical Center.
Layon nitong mabigyan ng proteksyon ang mga empleyado at maging ang mga pasahero laban sa nakakahawang sakit.
Paalala ni Eje sa publiko, maliban sa pagpapabakuna, mahigpit pa ring sundin ang mga minimum health protocols na ipinatutupad ng gobyerno.