Pag-import ng COVID-19 vaccine na gawa ng Bharat Biotech, pinayagan na ng FDA

Pinayagan na ng Food and Drug Administration (FDA) ang pag-iimport ng bakuna kontra COVID-19 na gawa ng Bharat Biotech.

Ayon kay FDA director general Eric Domingo, binigyan na ng kanilang hanay ng emergency use authorization ang Bharat Biotech para sa kanilang Covaxin na gawang India.

Paliwanag ni Domingo, kaya ipinagkalooban na ng FDA ng EUA ang kompanya dahil nakumpleto na nila ang pagsusumite ng mga kinakailangag dokumento.

Samantala, ang Gamaleya Institute naman na nag-apply para sa extension ng intervals ng pagtuturok ng first at second dose ng Sputnik V ay mayroon lamang mga dokumentong kailangan pang maisumite bago ito maipasa.

Ayon kay Domingo, nakausap niya, araw ng Huwebes (June 24), ang vaccine expert panel ng bansa at sinabi naman aniya ng mga ito na walang problema kapag nade-delay ang second dose.

Gusto kasi ng Gamaleya na gawing 90 araw mula sa kasalukuyang tatlong linggo ang interval o pagitan ng araw bago iturok ang second dose ng Sputnik V.

Hinihintay lamang ng vaccine expert panel at FDA ang ilang datos mula sa Gamaleya para maitakda nila ang maximum period na dapat maiturok ang second dose ng Sputnik V.

Para sa single dose vaacine ng Sputnik V, sinabi ni Domingo na tinatapos pa nito ang kanilang clinical trials bago sila mag-apply para rito.

Ang Sinovac at Moderna naman na nagsabing pwede na rin sa mga kabataan ang kanilang bakuna, sinabi ni Domingo na nagpaabiso ang mga ito na hindi pa sila handang mag-apply para sa expansion ng kanilang bakuna.

Iniipon pa aniya ng mga ito ang kanilang mga data at magpapasabi na lamang kung pwede na silang mag-apply sa FDA para maiturok na rin sa mga mas batang edad ang kanilang bakuna.

Read more...