Patuloy ang pagsasagawa ng search and retrieval operations ng Philippine Air Force sa lugar sa Capas, Tarlac kung saan bumagsak kagabi ang isa nilang Sikorsky S-701 Black Hawk combat utility helicopters.
Kinumpirma na rin sa isang pahayag ng Department of National Defense na ang anim na sakay ng helicopter, tatlong piloto at tatlong crew, ay namatay.
Nabatid na kanina lang umaga ipinaalam ng 790th Air Base Group na nakabase sa Capas sa Tarlac Provincial Police Office ang trahedyang sinapit ng kanilang mga tauhan at helicopter.
Sa Sitio Manabayukan sa Barangay Patling bumagsak ang Black Hawk helicopter ng 205th Tactical Helicopter Wing.
Sinabi ni PAF spokesman, Lt. Col. Maynard Mariano, sinimulan nila ang paghahanap nang hindi makabalik sa Clark Air Base sa Pampanga ang nabanggit na helicopter.
Nagsagawa ang helicopter ng night proficiency flight.
Hindi na muna kinilala ang mga nasawi, samantalang ‘grounded’ ang lahat ng Black Hawk helicopters ng PAF habang hindi na nabibigyan linaw sa imbestigasyon ang dahilan ng pagbagsak nito.