Sinalubong nina vaccine czar Carlito Galvez Jr., Health Sec. Francisco Duque III, Manila Mayor Isko Moreno at Manila Vice Mayor Honey Lacuna ang mga China-made vaccines na sakay ng isang Cebu Pacific flight.
Nabatid na 1.6 milyon doses ang binili ng gobyerno, samantalang ang 400,000 naman ay binili ng pamahalaang-lungsod ng Maynila.
Ayon kay Galvez malaking bahagi ng mga bagong dating na bakuna ay ipamamahagi sa mga lalawigan, na may mataas na bilang ng COVID 19 cases, base na rin sa utos ni Pangulong Duterte.
Ikinatuwa naman ni Moreno na sa pagselebra ng ika-450 taon ng lungsod ngayon araw ay ang pagdating ng mga bakuna.
Sa mga lokal na pamahalaan na pumasok sa tripartite agreement para makabili ng kanilang sariling suplay ng bakuna, ang kapitolyo ng bansa ang nauna.
Nabanggit din ni Moreno na sa Setyembre ay target nilang maabot ang ‘herd immunity’ sa lungsod.
Ayon pa rin kay Galvez sa ngayon ay humigit kumulang 16 million doses na ng Sinovac, Sputnik V, AstraZeneca at Pfizer ang dumating sa bansa at aniya sa linggo ay dadating ang unang batch ng Moderna vaccines.