Malakanyang, Senado magbabanggaan sa mandatory use of face shield sa Pilipinas

Naghain ng resolusyon si Senate President Vicente Sotto III para maimbestigahan sa Senado ang sinasabing pagiging epektibo ng pagsusuot ng face shield para maiwasan ang pagkahawa ng COVID 19.

Sa inihain ni Sotto na Senate Resolution No. 757, sinabi niya na nais malaman ng mga senador ang sinasabi ng ilang opisyal ng gobyerno na napatunayan sa scientific studies ng mga sinasabing health experts na mabisang pang-depensa sa COVID 19 ang face shield.

Sinabi pa ni Sotto, ang gagawing pagdinig ay kaugnay na rin sa mga kasalukyang deliberasyon sa sitwasyon sa bansa, gayundin sa ikinakasang vaccination program kasabay nang pagpapatupad ng mga health and safety protocols.

Puna nito, sa mga isinumiteng dokumento ng DOH kaugnay sa mga sinasabing pag-aaral sa paggamit ng face shield, walang masasabing ‘conclusive.’

Dagdag pa niya, maging ang mga listahan ng mga bansa at ilang lugar sa ibang bansa na patuloy na gumagamit ng face shield, hindi mandatory ang pagsusuot ng sinasabing protective shield.

Matagal nang iginigiit ni Sotto na tanging sa Pilipinas na lamang mandatory ang sabay na pagsusuot ng mask at face shield.

Nabanggit din sa resolusyon na ang idinahilan ng Malakanyang na Delta variant ng COVID 19 kayat kailangan pa rin ang pagsusuot ng face shield ay marami na rin kaso sa ibang bansa, kung saan hindi inoobliga ng gobyerno ang pagsusuot ng face shield.

Wala pang naitakdang petsa ng pagdinig ng Senate Committee of the Whole para sa resolusyon na inihain ni Sotto.

Read more...