Malakanyang sa ilang umaangal na LGU officials: Kalma lang kayo!

CEBU PACIFIC PHOTO

Pinahihinahon ng Malakanyang ang ilang lokal na opisyal na iniaangal ang kakarampot na suplay ng COVID 19 vaccines na ibinibigay sa kanila ng gobyerno.

Pagtitiyak ni Presidential spokesman Harry Roque batid ng Palasyo ang panawagan ng mga opisyal kaugnay sa kinakailangan nilang suplay ng COVID 19 vaccines.

Aniya ipinag-utos na ni Pangulong Duterte ang pantay na distribusyon ng mga dumadating na bakuna.

Pinagbigyan lang aniya ang mga lugar na nakaranas ng ‘surge’ sa COVID 19 cases.

Sinabi pa ni Roque na tutugunan ng National Task Force Against COVID 19 ang mga hinaing.

Reaksyon ito ng Malakanyang matapos iangal ni Albay Gov. Al Bichara na 6,000 doses pa lamang ang naibigay sa kanila at ngayon aniya ay tumataas ang bilang ng COVID 19 cases sa kanilang lalawigan.

Samantala, tiniyak din ni Roque na walang dapat ikabahala ang mga nabakunahan ng Sputnik V sa delay sa pagdating ng panibagong batch ng Russian-made COVID 19 vaccine.

Katuwiran ni Roque mas mainam na maantala ang pagturok ng second dose dahil mas nagiging epektibo ang bakuna.

Sinabi nito, ang delay ay bunsod ng kahilingan ng manufacturer ng Sputnik V na maamyendahan ang ibinigay sa kanilang emergency use authorization o EUA ng Food and Drug Administration (FDA).

Read more...