Rebelde na kabilang sa nakapatay kay FEU football star Keith Absalon natimbog

MALAYA FC PHOTO

Naaresto ng pulisya ang isa sa mga miyembro ng New People’s Army (NPA) na nakamatay kay FEU football player Keith Absalon at sa pinsan nitong si Nolven Absalon sa Masbate City.

Sa ulat mula sa Regional Police Office 5, isinilbi kay Mariel Suson, 22 ng Barangay Cabungahan sa Cawayan, Masbate ang warrant of arrest na inisyu ni Judge Arnelo Mesa, ng RTC Branch 45 sa Masbate City.

Sinampahan ng mga kasong double murder at dalawang frustrated murder si Suson, na naaresto ala-5:40 ng hapon kahapon.

May nakabinbin din itong hiwalay na kaso kaugnay sa pagpatay sa isang Reinerio Villamar noong Abril 22 sa Masbate City din.

Nabatid na anak siya ni Rogelio Suson, ang kalihim ng NPA Larangan 2 ng Bicol Regional Party Committee.

Magugunita na nagbibisikleta ang mag-pinsang Absalon sa Barangay Anas sa Masbate City noong Hunyo 6 nang pasabugan sila ng mga rebelde ng improvised explosive device (IED).

Inamin ng NPA ang kanilang pagkakamali at humingi ng paumanhin sa pamilya ng mga biktima.

 

Read more...