COMELEC, humingi ng tawad dahil sa ‘data leak’

 

Inquirer file photo

Naglabas na ng pahayag ang Commission on Elections (COMELEC) bilang paghingi ng paumanhin kasunod ng paglabas ng isang website na naglalaman ng biometric information ng mga botante.

Sinabi ni COMELEC spokesperson James Jimenez na nakikipatulungan na sila sa mga experts mula sa National Bureau of Investigation (NBI) Cybercrimes Division para sa impormasyon tungkol sa website na “Pilipinas, we have your data” na kumalat sa internet, araw ng Huwebes.

Sa nasabing website, makikita ang mga personal at mga sensitibong voter’s information sa pamamagitan lamang ng paglalagay ng buong pangalan sa website.

Sa ngalan ng COMELEC, humingi ng tawad si Jimenez sa patuloy na pag-atake sa pribadong impormasyon ng mga botante.

Kasabay nito ay tiniyak niya na ginagawa na ng COMELEC ang lahat para maresolbahan ang problemang ito sa lalong madaling panahon.

Iniimbestigahan na aniya ito ng NBI Cybercrimes Division at bineberipika na rin ng COMELEC ang mga impormasyong nakalagay sa nasabing website.

Sa ngayon ani Jimenez, pinayuhan niya ang publiko na huwag gamitin ang website ng mga hacker dahil posibleng manakaw ang kanilang mga impormasyon at mas maging bukas sila sa identity theft.

Samantala, nang hingan ng komento si Drexx Laggui na Principal Consultant ng Digital Forensics, sinabi niyang malaki ang epekto ng nasabing leak.

Marami aniya kasing mga organisasyon ang gustong makuha ang database na iyon at posibleng magkaroon ng panunuhol para lamang magawa ito.

Sakali naman aniyang mapatunayan na lumabag ang COMELEC sa Data Privacy Act, hindi nito maaring gampanan ang kanilang tungkulin na magreresulta sa pagkakalagay sa alanganin ng halalan.

Read more...