Mga Pinoy abroad, pwede nang mangampanya

 

Maari nang mangampanya ang mga PIlipinong nasa abroad sa mga kandidatong nais nilang suportahan sa nalalapit na halalan.

Pinaboran ng Korte Suprema ang pagpapalabas ng Temporary Restraining Order (TRO) na nag-aalis sa ‘ban’ o pagbabawal sa overseas campaigning sa loob ng 30-araw na overseas voting period na napapaloob Overseas Voting Act o RA 10590.

Una rito, naghain ng petisyon para sa TRO si Atty. Loida Nicolas Lewis ng US Pinoys for Good Governance and Global Diaspora Council na humihiling sa Korte Suprema na ipahinto ang ban.

Giit ni Lewis sa kanyang petisyon, labag sa freedom of speech, expression and assembly ang pagbabawal sa sinumang Pilipino na suportahan at ikampanya ang kanyang napupusuang kandidato, kahit ito ay nasa abroad.

Bukod dito, hindi rin aniya nasasakupan ng batas sa Pilipinas ang mga Pinoy na nasa ibayong dagat.

Dahil dito, maari nang ikampanya ng mga Pinoy na nasa abroad ang kanilang mga kandidato hanggang May 9, 2016 na petsa ng pagtatapos ng overseas absentee voting.

Read more...