Pagpapadala ng military plane ng China sa Kagitingan, ikinagalit ng DND

 

Inquirer file photo

Ikinagalit ng Department of National Defense (DND) ang pagpapalapag ng China ng kanilang military aircraft sa pinag-aagawang teritoryo sa South China Sea kamakailan.

Ayon kay Defense spokesperson Peter Paul Galvez, isa itong malinaw na akto ng militarisasyon at tunay na ‘provocative’.

Sa kabila nito, naninindigan pa rin ang DND na reresolbahin ang anumang isyu sa teritoryo sa diplomatiko at mapayapang paraan, kaya naman hiling nila na sana ay lumabas na ang desisyon ng Permanent Court of Arbitration kaugnay sa isyu ng teritoryo sa pagitan ng Pilipinas at China.

Ani pa Galvez, China ang pasimuno ng problema at wala silang isang salita.

Bagaman sinasabi aniya ng China na civilian purposes ang pakay nito, anupaman ang totoong dahilan, pinapalaki lamang ng mga ganitong hakbang ang isyu.

Taliwas rin aniya ito sa paulit-ulit na sinasabi ng China na hindi sila magsasagawa ng militarisasyon ngunit ang mga kilos na nila mismo ang sumusuway sa kanilang salita.

Kamakailan lamang ay sa kauna-unahang pagkakataon na ipinaalam sa publiko ng China na nagpadala sila ng military plane sa Kagitingan reef na nasa pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea.

Read more...