Isinusulong ni Quezon Rep. Angelina Helen Tan na magkaroon ng referral system para sa mga pasyente sa bansa.
Inihain ni Tan ang House Bill 9633 na layong maisabatas at palawakin pa ang sakop ng One Hospital Command System.
Sa ilalim nito, magtatatag ng National Patient Navigation and Referral System (NPNRS) na magtitimon sa mga pasyente para sa kinakailangang serbisyo.
Sinabi ng chairperson ng Committee on Health na palalakasin nito ang One Hospital Command Center (OHCC) na mag-uugnay sa Malasakit Centers sa iba’t ibang health facilities para sa kapakanan ng mahihirap.
Ipinaliwanag ng mambabatas na ang NPNRS ay magsisilbing coordinator at point of contact sa
health care delivery system nationwide alinsunod na rin sa “Universal Health Care Act”.
Ang OHCC na inilunsad ng DOH at iba’t ibang ahensya noong taong 2019 ay nagsisilbing centralized network para matugunan ang mga nangangailangan ng medical assistance sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Pero ang health referral facility na ito ay nagseserbisyo pa lamang sa Metro Manila.