Hinikayat ni Philippine National Police (PNP) Chief, Police General Guillermo Eleazar ang publiko na tumalima sa direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte ukol sa pagsusuot ng face shield.
Lunes ng gabi (June 21), inanunsiyo ng Pangulo ang mandatory na pagsusuot ng face shield sa loob at labas matapos madiskubre ng Department of Health (DOH) ang mas marami pang kaso ng Delta variant, unang coronavirus variant na napaulat sa India.
“Nakikiusap po tayo sa publiko na igalang at sumunod sa direktiba ng ating Pangulo tungkol sa pagsusuot ng face shields. Para po ito sa kaligtasan ng lahat lalo na’t may dumagdag po sa bilang ng nakitaan ng Delta variant sa bansa,” pahayag ni Eleazar.
“Ayon sa ating mga eksperto, hindi biro ang variant na ito at kailangan talagang magdoble ingat tayo,” dagdag nito.
Base sa ulat ng DOH, umabot na sa 17 COVID-19 Delta variant cases sa bansa.
“Kung ganito pong may mas nakahahawang variant na nadetect sa ating bansa, mas kinakailangan po natin ng ibayong proteksyon sa pamamagitan ng pagsunod sa ating mga health protocols,” ayon sa hepe ng PNP.
Makatutulong aniya ang istriktong pagsunod sa minimum public health safety standards upang maiwasan ang pagkalat ng iba pang infectious variant.
Pinaalalahanan din ni Eleazar ang mga pulis na sundin din ang pagsuot ng face shields.
“Ang instruction ko lang sa mga kapulisan natin ay sumunod din sa ganitong patakaran dahil anong magiging kredibilidad natin niyan sa panghuhuli kung tayo mismo ay hindi sinusunod ito,” ani Eleazar.