AFP pension system kailangan balansehin para sa mga nasa aktibong serbisyo, retirado – Sen. Go

Naninindigan si Senator Christopher Go na kailangan mabalanse ang interes ng mga sundalo na nasa serbisyo pa at ng mga retirado sa usapin ng pension.

Ayon kay Go, ang nais nila ni Pangulong Duterte ay magkaroon ng konkretong sistema na katanggap-tanggap maging sa mga susunod na administrasyon.

“Kung hindi natin masosolusyonan ang problemang ito ngayon, baka mas lumala pa ang sitwasyon at kawawa hindi lang ang pensioners kundi ang taumbayan. Long-term po ang solusyon na gusto namin ni Pangulong Duterte dito,” paliwanag ng senador.

May panukala, ang Senate Bill No. 1419, nang inihain si Go sa Senado noong nakaraang taon at aniya ang layon nito ay mabalanse ang interes at kapakanan ng mga retiradong sundalo, gayundin ng mga nasa serbisyo pa.

 “Nais ko klaruhin — suportado ko ang pension reform para maiwasan na maging isang financial disaster ito in the long-run. Pero ayoko na bawasan o maapektuhan ang kasalukuyang pension ng mga nag-retiro na o ‘yung inaasahang pension ng mga naka active duty pa,” pagdidiin niya.

Paglilinaw pa niya, ang pagbabago sa pension system ay ipapatupad lang sa mga papasok na sundalo at hindi ang mga nasa serbisyo na o nagretiro.

“’Yung reporma sa pension, magsimula dapat sa bagong pasok na sundalo para alam nila na may pagbabago sa pension bago pa sila mag duty. Huwag natin galawin ‘yung inaasahan or natatanggap na pension ng kasalukuyang sundalo,” aniya.

Read more...