Dahil sa insidente nang pagkakadamay ng isang menor-de-edad sa isang operasyon ng pulisya sa Binan City sa Laguna, inihirit ni Senator Panfilo Lacson na madaliin na ang pagbili at paggamit ng body cameras ng mga pulis.
Kasabay nito, umaasa si Lacson na agad magbibigay linaw na ang Korte Suprema sa paggamit ng body cameras, sa katuwiran niya na mababawasan nito ang pagkakaroon ng magkakaibang bersyon ng mga insidente.
“The killing of a minor in a recent PNP drug bust operation and the subsequent ‘he says, she says’ conflicting versions of the story should prod the PNP to fast-track the procurement of more body cameras and require all their personnel deployed in field operations,” aniya.
Ang tinutukoy ng senador ay ang pagkakapatay sa isang 16-anyos na binatilyo kasabay nang pagsisilbi ng warrant of arrest sa isang sinasabing wanted drug personality.
Ayon sa mga operatiba nanlaban ang kanilang aarestuhin, ngunit ayon sa mga kaanak ng biktima ay nadamay ito at walang kinalaman sa droga.
Ipinunto ng senador na makakatulong ang body cameras sa ihaharap na mga ebidensiya at maaring mapigilan din nito ang mga pang-aabuso sa bahagi ng mga pulis.