Rekomendasyon para sa limited face-to-face classes binawi ng DepEd

Hindi pumayag si Pangulong Rodrigo Duterte kayat minabuti ng Department of Education (DepEd) na bawiin na ang kahilingan na makapagsagawa ng limited face-to-face classes sa elementarya at high school sa low risk areas.

Sinabi ni Education Secretary Leonor Briones na tanggap nila ang desisyon ni Pangulong Duterte dahil batid niya na mas marami itong nalalaman base sa mga impormasyon.

Ikinatuwiran ng Punong Ehekutibo naman na hindi niya maaring isugal ang kaligtasan at kalusugan ng mga bata at humingi din ito ng pang-unawa kay Briones.

Sa kanyang tugon, sinabi ni Briones na naiintindihan niya ang pinaghuhugutan ni Pangulong Duterte dahil pinangangalagaan lang ang kaligtasan ng higit 27 milyong mag-aaral, maging ng higit 847,000 guro.

Ikinatuwiran lang ng kalihim na  isa sa pinagbasehan ng kanilang rekomendasyon ay makakatulong ng malaki sa ekonomiya ang pagbalik ng mga bata sa mga eskuwelahan kahit sa limitadong pamamaraan.

Dagdag pa niya, pinaghandaan lang naman nila ang pagbabalik-eskuwela sa ilang lugar sa pag-aakalang mas bubuti na ang sitwasyon.

Nabanggit ni Briones na may natukoy na silang 1,900 paaralan na maaring pagkasahan ng pilot testing ng limited face-to-face classes.

Read more...