Mga tatanggi sa bakuna kontra COVID-19, ipaaaresto ni Pangulong Duterte
By: Chona Yu
- 4 years ago
Babala sa mga matitigas ang ulo at takot magpabakuna kontra COVID-19, ito ay dahil ipaaaresto ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga tatanggi na magpa-bakuna.
Ayon sa Pangulo, kung ayaw mag-pabakuna ng isang indibidwal, mas makabubuting lumayas na lamang ng Pilipinas at magtungo sa India o Amerika.
Nakadidismaya ayon sa Pangulo, dahil kung sino pa ang ayaw magpabakuna ang siya pang kadalasan ay carrier ng virus.
Hindi na aniya dapat na pairalin ang pagiging matigas ang ulo dahil mayroong national emergency at pandemya ang bansa sa COVID-19.
Ayon sa Pangulo, ipaaresto niya ang sinumang tatanggi ng bakuna at tuturukan sa puwet.
“Ang tigas ng ulo eh. Kaya ‘pag… Don’t — don’t get me wrong. There is a crisis being faced in this country. There is a national emergency. Kung ayaw mong magpabakuna, ipaaresto kita. At ang bakuna ay galing — itusok ko sa puwet mo. P***** i**. Bwiset kayo. Eh hirap na nga tayo tapos nandiyan pa kayo napakaraming dag,” pahayag ng Pangulo.
Babala ng Pangulo, gagamitan niya ng bakuna ng baboy na Ivermectin ang sinumang tatanggi sa bakuna kontra COVID-19.
“But still, it would revolve around itong — itong mga g*** na ayaw magpabakuna, and they are really the carriers. If you are — they can, you know, travel from one place to another, carrying the virus and then contaminating other people. Ito ‘yong ayaw magpabakuna. Kayong ayaw magpabakuna, ipabakuna ko ‘yong itong sa bakuna ng baboy, ‘yong Ivermectin. Iyon ang ibakuna ko sa kanila,” pahayag ng Pangulo.
Utos ng Pangulo sa Department of the Interior and local government at mga opisyal ng barangay, ilista ang mga matitigas ang ulo at ayaw magpabakuna.