Pagkalat ng voter’s information sa internet, ikinabahala ng publiko

 

Ikinabahala ng maraming netizens at mga botante ang pag-kalat ng link ng website na naglalaman ng datos na nakuha ng mga hackers sa website ng Commission on Elections (COMELEC).

Sa naturang website,  buong pangalan lamang ang kailangang ilagay at lalabas na ang mga detalye ng iyong voter’s registration at pati na ang mga personal na impormasyon tulad ng birthday, address, civil status at kung saan ipinanganak ang botante.

Maraming botante ang nabahala dahil maari itong gamitin ng mga kawatan para mangloko o kaya ay manghuthot ng pera.

Ang website na ito ay ginawa ng Lulzsec Pilipinas, ang parehong grupo ng mga hackers na umatake sa website ng COMELEC kamakailan lang para patunayan ang mahinang seguridad sa mga importanteng data.

Samantala, naaresto naman na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang hacker ng COMELEC website na isang 23-anyos na fresh graduate ng kursong Information Technology, at hinihinalang miyembro ng Anonymous Philippines.

Una nang na-hack ng Anonymous Philippines ang website ng COMELEC noong March 27, na sinundan ng hacking ng Lulzsec Pilipinas.

Mahaharap sa kasong paglabag sa Anti-Cybercrime Act ang suspek na nakilalang si Paul Zulueta, at nasa ilalim na siya ng pangangalaga ng NBI Anti-Cybercrime Division.

 

 

Read more...