Tugade: Pilipinas patungo na sa “Golden Age of Infrastructure”

PHOTO: DOTr

Sa kabila ng mga hinaharap na pagsubok sa nakalipas na limang taon, ipinagmalaki ni Department of Transportation Secretary  Arthur Tugade na patuloy ang ginagawa ng kagawaran upang makamit ng administrasyong Duterte ang “Golden Age of Infrastructure”.

Ayon kay Tugade, marami ng mga proyekto sa sector ng transportasyon ang natapos na habang marami pa rin ang patuloy na ginagawa.

“Kung titingnan mo at ikukumpara mo ‘yung ginawa ng Duterte administration sa apat na taon, tsaka ‘yung konstruksyon at imprastruktura na ginawa, figure for figure, performance for performance, accomplishments for accomplishments, siguro naman because of the improvement, puwedeng masasabi na nalagay na sa pedestal ng performance ng ating Pangulo, ng Duterte administration ‘yung paggawa patungo sa tinatawag na ‘GOLDEN AGE OF INFRASTRUCTURE,’ saad ni Tugade.

Sabi ni Tugade, kahit na mayroong COVID-19 pandemic hindi huminto ang DOTr at mga attached agencies nito para ipagpatuloy ang mga transport infrastructure na nasimulan ng administrasyong Duterte.

“Madali ‘hong sumuko kami at sabihing give-up na ako may pandemya naman. Hindi po ‘yan ang Kagawaran ng Transportasyon. Hindi po ganyan ang Administrasyong Duterte. Sumige at tuloy-tuloy tayo na gawin ang mga imprastraktura notwithstanding and despite the existence of pandemya at Covid,” pahayag ni Tugade.

Ipinagmalaki rin ng kalihim na sa limitadong panahon ay naaksyunan nila ang mga isyu na kinakaharap ng bansa tulad na lamang ng “laglag-bala” sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), backlog sa driver’s license, pagkasira at maintenance isyu ng MRT-3 at mga programa upang masolusyunan ang trapiko sa EDSA.

Natapos na anya ang 212 airport projects habang 102 pa ang ginagawa. Bukod dito nakumpleto na rin pagsasa-ayos ng   Mactan-Cebu International Airport, Bohol-Panglao International Airport habang nakatakda namang pasinayaan ang bagong Passenger Terminal Building (PTB) sa Clark International Airport.

Sinabi pa ng kalihim na magsisimula na ang operasyon ng bagong Marikina at Antipolo Stations ng  LRT-2 East Extension project sa June 22, 2021. Inaasahan naman na matatapos na ngayong taon ang Common Station na magdurugtong sa  LRT-1, MRT-3, MRT-7 at  Metro Manila Subway.

Mayroon namang 446 seaport projects simula noong taong  2016 ang natapos na habang 117 iba pa ang ginagawa.

Natapos na rin anya ang pinakamalaking  passenger terminal building sa bansa na matatagpuan sa Port of Cagayan de Oro na kayang mag-accommodate ng 3,000 passehero bawat araw.

Iniulat din ni  Tugade ang tagumpay ng  EDSA Busway system gayundin ang active transportation at ang planong pagbubukas ng mga bagong daan , pedestrian facilities, at ang 560 kilometers na  protected bike lanes sa Metro Manila, Metro Cebu, and Metro Davao.

Read more...