142 pang overseas Filipinos, positibo sa COVID-19; Isa gumaling

May 142 pang bagong napaulat na nagpositibong Filipino sa COVID-19 sa ibang bansa.

Sa datos ng Department of Foreign Affairs (DFA) hanggang June 18, nasa 20,422 na ang mga kumpirmadong positibo sa COVID-19 na Filipino mula sa 94 na bansa at rehiyon.

Sa nasabing bilang, 7,109 ang patuloy na nagpapagamot sa iba’t ibang ospital.

Isa naman ang bagong gumaling kung kaya umabot na sa 12,093 na ang overseas Filipinos na naka-recover sa nakakahawang sakit o na-discharge na sa ospital.

Isa rin ang bagong napaulat na nasawi.

Dahil dito, 1,220 na ang COVID-19 related deaths sa mga Filipino abroad.

Pinakamarami pa ring naitalang confirmed COVID-19 positive na OF sa bahagi ng Middle East/Africa na may 11,532 na kaso.

Sumunod dito ang Europa na may 3,530 confirmed COVID-19 positive cases na OF.

Nasa 986 naman ang kaso sa Americas at 4,374 sa Asia Pacific Region.

Tiniyak ng DFA na sa pamamagitan ng Foreign Service Posts, tututukan ang lagay ng mga Pinoy sa ibang bansa at handang umasiste sa mga Filipino na apektado ng COVID-19 pandemic.

Read more...