Sen. Go, nagkaloob ng tulong sa isang ospital sa Tagum City

Nagkaloob si Senator Christopher “Bong” Go ng tulong-pinansyal para sa Davao Regional Medical Center (DRMC) sa Tagum City, Davao del Norte noong June 1.

Gagamitin ang P200 milyong tulong-pinansyal upang ipangbili ng linear accelerator, advanced radiotherapy technology para sa pagpapagaling ng mga pasyente na may cancer.

“We will continue to work to improve access to quality health care services in various regions here in Mindanao,” ayon sa senador.

Dagdag nito, “Dahil sa equipment na naipamahagi sa DRMC, hindi niyo na kailangan bumiyahe pa sa Davao City o iba pang lugar para makakuha ng kailangang treatment ang mga may cancer. Nais naming mailapit sa inyo ang serbisyong kailangan ninyo lalo na pagdating sa kalusugan.”

Nagpasalamat naman si DRMC Medical Center Chief Dr. Bryan Dalid kay Pangulong Rodrigo Duterte at Go para sa paghahatid ng kinakailangang tulong sa mga pasyente.

“Ang current linear accelerator natin ay nakapaghatid na ng almost 60,000 treatment fractions, isang patient minimum of 28 fractions, kung compute ninyo ‘yan, nasa 3,000 cancer patients ang napagaling niyan,” paliwanag ni Dalid.

Kasabay nito, sinuri ng senador ang operasyon ng Malasakit Center sa DRMC na inilunsad noong October 2019.

“Bilang mambabatas at Chair ng Senate Committee on Health, patuloy kong ipinaglalaban na maayos ang kapasidad at kapabilidad ng ating public hospitals para may matakbuhan ang mga kababayan natin sa probinsya lalo na ang mga mahihirap,” saad ni Go.

Binanggit din ng senador ang ilan sa kaniyang mga hakbang sa Senado upang mapalawak ang access sa de kalidad na health care services, lalo na sa mga mahihirap na komunidad.

Tinukoy ni Go ang pagkakapasa ng 13 local hospital bills at nangako ang senador na patuloy niyang itutulak ang mga hakbang para magkaroon ng madaling access sa gamot at serbisyo ang mga taga-Mindanao.

“Hindi ako titigil na ipaglaban ang kapakanan ng mga mahihirap, lalong-lalo na sa panahon ngayon. Alam niyo ba na umaabot ng 400% ang occupancy rate ng mga ospital natin? This is the time to invest in our hospitals at health care system. Kaya kung may pondo, unahin natin dapat ang kalusugan ng bawat Pilipino,” ani Go.

Read more...