Madaming pasahero kasi libre ang pasahe sa EDSA bus carousel – LTFRB

Nangatuwiran na ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ukol sa viral videos at pictures ng magkakadikit na mga pasahero sa EDSA bus carousel.

 

Ang idinahilan ng ahensiya ay ang libreng sakay na alok ng gobyerno.

 

Sinabi ni LTFRB Chairman Martin Delgra, noong Marso ay 41,000 lang ang bilang ng mga sumasakay sa EDSA bus, ngunit aniya noong Hunyo 14 ay sumirit ang bilang sa 182,000.

 

Dagdag katuwiran niya dahil may bayad ang pagsakay sa MRT natural lang na piliin ng mananakay ang libreng pasahe sa EDSA bus carousel.

 

Magtatagal naman ang libreng pasahe hanggang sa katapusan ng kasalukuyang buwan kasabay nang pagtatapos ng Bayanihan 2.

 

Ngunit pag-amin din ni Delgra kulang ang bilang ng mga bumibiyaheng bus  dahil sa 550 kinontratang bus, 428 lang ang nabigyan ng special permit at wala pa sa 400 sa mga ito ang bumibiyahe.

Read more...