Panalo nakuha ng Gilas kontra Korea dahil sa buzzer-beater 3-point shot

FIBA PHOTO

Hindi binigo ni Sam Belangel ang mga Filipino nang maipasok nito ang isang three-point shot para manaig ang Gilas Pilipinas kontra sa bumisitang Korea sa FIBA Asia Cup qualifiers sa Angeles City Foundation Gym kagabi.

Tabla ang iskor, 78 – 78, at dalawang segundo na lang ang natitira sa laban nang ipukol ni Belangel ang bola sa kabila nang matinding depensa sa kanya ng isang South Korean player.

Sa unang bahagi ng laro, tinambakan ng 17 puntos, 33 – 16, ang Gilas bago dahan-dahan na natapyasan ang kalamangan ng mga kalaban hanggang sa huling yugto ng laban.

Binanderahan ni Dwight Ramos ang Gilas sa kanyang 16 puntos, samantalang nag-ambag naman ng 12 at 11 puntos sina Ange Kouame at Kai Sotto.

Gumawa naman si Belangel ng kabuuang 13 puntos.

Sa panig ng South Korea, pinangunahan ni Ra Guna ang kanilang opensa sa kanyang 24 puntos at 15 rebounds.

Sa panalo, 4-0 na ang Gilas Pilipinas at gumanda ang tsansa na awtomatikong makakuha ng qualification spot.

Read more...