Base sa pagkakaintindi ni Senate President Vicente Sotto III kumbinsido na rin si Pangulong Duterte na hindi na kailangan na magsuot pa ng face shield sa paglabas ng bahay.
Kagabi ay kabilang si Sotto sa pinulong ni Pangulong Duterte sa Malakanyang.
“Last night, the President agreed that face shields should only be used in hospitals. Allowed us to remove ours! [Attention] DOH!,” ang tweet ni Sotto ngayon umaga.
Dagdag pa ni Sotto at base pa rin sa kanyang pagkakaintindi, pagbibilinan ng Punong Ehekutibo ang COVID 19 national task force na bawiin na ang mandatory use ng face shield.
“I remember him saying he will tell DOH,” dagdag pa ng senador.
Sa pagdinig ng Senate Committee of the Whole noong Martes, inihirit ni Sotto ang hindi na pagsusuot ng face shield sa katuwiran na ang Pilipinas na lang sa buong mundo ang natatanging bansa na may polisiya ukol dito.
Katuwiran naman ng DOH at DILG nakakadagdag proteksyon ang face shield para hindi mahawaan ng nakakamatay na virus at maaring bawiin ito kapag marami na sa mga Filipino ang naturukan na ng COVID 19 vaccine.