Makalipas lang ang siyam na oras nang yanigin ang Bukidnon ng 5.7 magnitude earthquake kagabi, nakapagtala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ng 355 aftershocks.
Sa 7am update ng ahensiya, sinabi na ang lakas ng aftershocks ay naitala sa pagitan ng magnitudes 1.5 at 5.2 at anim sa mga ito ay naramdaman.
Ang pinakamalakas na aftershock ay naramdaman siyam na minuto lamang matapos ang 5.7 magnitude na lindol.
Sinabi ni Phivolcs chief Renato Solidum ang lindol ay maaring nagmula sa isang local fault sa Bukidnon at dito rin nagmula ang naitalang 5.9 magnitude earthquake noong Nobyembre 18, 2019.
Ibinahagi pa ni Solidum na ang Bukidnon ay bahagi ng tinatawag nilang seismically active region sa Northern Mindanao dahil sa presensiya ng ilang active faults kasama na ang Central Mindanao Fault, Linugos River Fault, Cabanglasan Fault, Tagoloan River Fault, Lanao Fault System at bahagi ng Mindanao Fault.