Dapat ay ayon sa international standards ang road and safety signages.
Ito ang sinabi ni Sen. Grace Poe sa paniniwala na maaring mabawasan ang mga aksidente sa kalsada kung magagawa ito ng gobyerno.
Inihain ng senadora ang Senate Bill No. 2239 o ang Public Safety Signages Accountability Act para magkaroon ng napapanahon at tamang impormasyon ang mamamayan kaugnay sa mga gabay sa trapiko, road hazards ar warning signages.
“Articles and images of faulty or questionable signages have been reported throughout the years and such still remain as evident threats to both motorists and pedestrians,” diin niya.
Binanggit nito na sa Metro Manila halo isa kada araw ang namamatay sa aksidente.
Base naman sa datos mula sa MMDA, noong 2019 may 121,771 aksidente ang nangyari at sa kabuuan ng pagkakaroon ng pandemya noong nakaraang taon, bumaba ito sa 65,032 ngunit nasawi ang 337.
Nakasaad sa panukala, ang DPWH ang bahala sa public safety signs sa national road, ang MMDA sa mga kalsada sa Kalakhang Maynila at ang lokal na pamahalaan naman sa local roads.
Samantala, sabi pa ni Poe, kailangan natin repasuhin ng DENR ang geohazard map at kilalanin ang mga lugar na madalas ang pagbaha, ang pagkakaroon ng landslides at maging ang mga delikado sa lindol at pagputok ng bulkan.
Papanagutin aniya ang mga kinauukulang ahensiya o kawani ng gobyerno na mabibigong gawin ang kanilang mandato para sa mga ligtas na kalsada.
Nabanggit ni Poe na niratipikahan ng Pilipinas ang 1968 Vienna Convention on Road Signs and Signals noong1973 para makasunod sa international standards ang mga traffic signs and symbols sa bansa.