Hiniling ni Senator Panfilo Lacson sa Inter-Agency Task Force (IATF) na magpatupad ng kaunting pagbabago sa health protocols na ipinatutupad sa OFWs at balikbayans.
Katuwiran ni Lacson na gumagastos ng malaking halaga ang mga balikbayan dahil kinakailangan nilang mag-quarantine sa mga hotel.
Tiwala ang senador na may magagawang adjustments ang IATF at giit niya may mga pagkakataon dapat na ‘magluwag’ ng konti o umisip ng paraan na magiging katanggap-tanggap sa magkabilang panig.
Binanggit nito ang ginawa ng pamahalaang-panglalawigan ng Cebu, na ipinatupad ang sarili nilang mga polisiya para sa testing at pag-quarantine ng kanilang mga kababayan na mula sa ibang bansa.
Ito rin ang nais ni Senate President Vicente Sotto III na maging ‘flexible’ ang gobyerno sa OFWs at balikbayan.
Dagdag pa niya ang ginagastos ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ay maaring hugutin naman sa kontribusyon ng OFWs para sa pag-quarantine sa kanila.